Huling update: Mayo 25, 2020. Para sa pinakabagong impormasyon, tignan ang aming page ng mga resources na galing sa pamahalaan, ng BC Centre for Disease Control (Sentro ng BC para sa Pagkontrol ng mga Sakit) at Public Health Agency of Canada (Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada).
Alamin kung paano kumakalat ang COVID-19, paano protektahan ang iyong sarili mula sa virus, at kung paano kumuha ng impormasyon tungkol sa maling impormasyon.
Nanggagaling ang mga payong pangkalusugan sa seksiyong ito mula sa dalawang online source na may mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa pampublikong kalusugan na batay sa ebidensiya, at pinakabago: ang BC Centre for Disease Control (Sentro para sa Pagkontrol ng mga Sakit ng BC) and the Public Health Agency of Canada (Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada).
Tandaan: Nasa Ingles lamang ang parehong website. Para sa mga pangkalusugang resource na nakasalin sa Tagalong, tingnan ang seksiyong “Karagdagang Impormasyon” sa ibaba.
Ang team ng Koalisyon ng Pagtugon sa C19, kilala rin bilang ang mga taong nagpapatakbo sa website na ito, ay nakikiisa ngunit hiwalay na nakikipagtulungan mula sa mga pampublikong ahensiyang nakalista sa itaas. Nagbibigay kami ng mga aplikasyong batay sa mga totoong pangyayari para sa mga payo sa pampublikong kalusugan na ibinabahagi sa buong website.
Paano ko mapoprotektahan ang aking sarili at ibang tao mula sa COVID-19?
Inirerekomenda ng BC Centre for Disease Control ang pagsasagawa ng 4 na aksiyong nakadetalye sa ibaba, upang mapanatiling ligtas ang iyong sarili at ang iyong komunidad mula sa COVID-19.
Itigil ang pagkalat ng mga mikrobyo
- Huwag hawakan ang iyong mukha, mga mata, ilong, o bibig gamit ang hindi hinugasang mga kamay.
- Bumahing o umubo sa disposable o maitatapong tissue o sa iyong siko.
- Huwag makihati ng pagkain, mga inumin, at makigamit ng kubyertos, atbp.
Kinikilala ng C19 Response Coalition team na…
Ang pagbabahagi at sabay-sabay na pagkain ay isang mahalagang paraan upang maging konektado para sa maraming komunidad. Upang maprotektahan ka at iyong mga kapamilya mula sa pagkalat ng COVID-19, inirerekomenda namin na gumamit ng mga kubyertos, iwasan na gumamit ng kamay at gumamit ng serving spoon sa pagkuha ng pagkain.
Panatilihin ang distansiya mula sa iba
- Tiyakin na hindi bababa sa 2 metro ang layo mo sa mga taong hindi mo kasama sa bahay.
- Iwasan ang mga matataong lugar o pagtitipon kabilang ang mga group walk, pag-eehersisyo sa labas, at mga pagtitipon ng pamilya.
- Kung nakatira ka sa apartment o tirahan na maraming pamilya, limitahan ang oras na inilalagi mo sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao tulad ng mga laundry room. Gumamit lamang nito kapag mag-isa ka o kung mayroong sapat na espasyo upang 2 metro ang pagitan sa inyo ng iyong kapitbahay.
Maghugas ng kamay
Gumamit ng sabon at tubig upang hugasan ang iyong mga kamay nang hindi bababa sa 20 segundo. Ipinapahayag ng BC Centre for Disease Control na “aktibong pinupuksa ng sabon ang virus” at ang paghuhugas ng kamay ang pinaka epektibong paraan upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Sundan ang gabay sa tamang paghuhugas ng kamay mula sa Public Health Agency ng Canada sa ibaba:
Kinikilala ng C19 Response Coalition team na…
Maaaring iniisip mo kung gaano katagal ang 20 segundong paghuhugas ng kamay. Maaari mo itong orasan sa pamamagitan ng paghuni sa kantang “Maligayang Bati” o “Happy Birthday” nang dalawang beses. Maari mo ring kantahin ang “Paru-parong Bukid” (depende ito kung gaano ka kabilis kumanta!):
Paruparong bukid na lilipad-lipad
Sa gitna ng daan papaga-pagaspas
Isang bara ang tapis
Isang dangkal ang manggas
Ang sayang de kola
Isang piyesa ang sayad
May payneta pa siya — uy!
May suklay pa man din — uy!
Regular na maglinis at magdisimpekta ng mga patungan na madalas hawakan
Pinapayo ng BC Centre for Disease Control na gumamit ng mga produktong panlinis ng bahay o diluted bleach (bleach na hinaluan ng tubig) (tingnan ang mga payo kung paano gawin ito sa ibaba) upang linisin ang mga patungan na madalas na hawakan tulad ng mga hawakan ng pinto at mga electronic device.
Mga payo para sa ligtas at epektibong paglilinis:
- Magbukas ng bintana kapag gumagamit ng mga disimpektante upang maging ligtas sa singaw.
- Gumamit ng mga guwantes kapag gumagamit ng mga panlinis, lalo na sa bleach.
- Para sa mga electronic device, sundan ang gabay ng manufacturer sa paglilinis, o gumamit ng mga disimpektante wipe o spray na mayroong hindi bababa sa 70% na alcohol.
- Gumamit ng isang disimpektante na inaprubahan ng Health Canada (Kagawaran sa Kalusugan ng Canada). Makikita ang listahan ng mga disimpektante ng patungan na regular na ina-update.
Kinikilala ng C19 Response Coalition team na…
Paano ko malalaman kung aprubado ng Health Canada ang produktong pandisimpekta? Hanapin ang 8 bilang na DIN (Drug Identification Number, Numero ng Pagkilala sa Gamot), pangalan ng produkto o kompanya sa pakete. Maaari mo rin hanapin ang 8 bilang na DIN, pangalan ng produkto sa Ingles, o pangalan ng kompanya sa Ingles sa “Filter items”/box para sa pag-filter ng mga item.
Paano ako makakagawa ng sarili kong disimpektante gamit ang bleach?
Kung wala kang produktong panlinis na nabibili, maaari mong gamitin ang hindi malamig o mainit (room temperature) na bleach na hinaluan ng tubig (HUWAG gumamit ng mainit na tubig). Mas maigi kapag mas mababa ang konsentrasyon ng bleach.
Para sa mga patungan sa iyong tahanan:
”Kung ang konsentrasyon ng bleach sa lalagyan ay 5.25%, kailangan mo ng 1 parte ng bleach at ihalo sa 99 na parte ng tubig o 10 mL na bleach sa 990 mL na tubig.
-Isinalin mula sa BC Centre for Disease Control (Kinuha noong Abril 15, 2020)
Para sa mga patungan na ginagamit sa pagluluto tulad ng countertop at mga sangkalan:
”Gumamit ng mas mababang konsentrasyon na solusyon ng bleach: maghalo ng 1 parte ng bleach sa 499 na parte ng tubig o 2mL na bleach sa 998 mL na tubig. Tiyakin na banlawan ang solusyon ng bleach gamit ang tubig bago maghanda o maghain ng pagkain.”
-Isinalin mula sa BC Centre for Disease Control (Kinuha noong Abril 15, 2020)
Mag-ingat! Ipinapahayag ng BC Centre for Disease Control na hindi kailan dapat ihalo ang bleach sa suka o iba pang mga asido tulad ng ammonia o rubbing alcohol.
Kinikilala ng C19 Response Coalition team na…
Karaniwang tinutukoy ang “porsiyento ng alcohol” sa mga disimpektante ang dami ng isopropyl alcohol (tinatawag ring rubbing alcohol) o ethyl alcohol sa produkto. HINDI ito kapareho ng alcohol content sa mga inuming nakalalasing. Huwag kailanman gamitin ang whiskey o mga inuming nakalalasing upang disimpektahin ang iyong tahanan.
Kung hindi ka sigurado kung ano ang gagamitin sa paglilinis, tingnan ang listahan ng mga disimpektante ng patungan mula sa Health Canada.
Personal na kalinisan at mga mask
Paano kumakalat ang COVID-19
Ang COVID-19 ay naipapasa sa pamamagitan ng mga patak ng likido kapag umuubo o bumabahing ang isang tao. Maaaring pumasok ang mga patak na ito sa mata, ilong, o lalamunan kung malapit sila sa taong may sakit. Halimbawa, kung hahawakan mo ang patungan na kamakailang binahingan ng isang taong may sakit at suminga, maaari mong naipapasa ang mga patak ng likido na may impeksiyon sa daanan ng iyong hininga at maaari kang magkaroon ng COVID-19.
Ipinapahayag ng BC Centre for Disease Control na “karaniwang lumalaganap ang mga patak na ito nang isa hanggang dalawang metro at mabilis na bumabagksak sa lupa”. Kung kaya’t mahalaga ang pagpapanatili ng distansiya na hindi bababa as 2 metro upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Mahalagang impormasyon: HINDI airborne (nanatili sa hangin) ang virus.
Naipapasa ang mga virus na airborne sa pamamagitan ng maliliit na sumingaw na patak na hindi natin nakikita o mahahawakan, o alikabok na nasisinghot sa ating lalamunan o baga. HINDI airborne na virus ang COVID-19. Hindi ito maaaring maipasa sa pamamagitan ng paghawak sa balat.
Maaari ko bang hugasan ang kamay ko gamit ang hand sanitizer na mayroong alcohol?
Dapat lamang gamitin ang hand sanitizer na mayroong alcohol o hand rubs kung walang sabon at tubig. Upang epektibong linisin ang iyong mga kamay gamit ang hand sanitizer na may alcohol, punasan o tanggalin mo muna ang nakikitang dumi bago ipahid ang hand sanitizer sa iyong kamay.
Mag-ingat! Anong mga hand sanitizer na may alcohol ang maaari kong gamitin?
Nagbibigay ng babala ang BC Centre for Disease Control at Health Canada laban sa paggamit ng mga hand sanitizer na gawa sa bahay.
Gumamit lamang ng mga hand sanitizer na:
- Aprubado ng Health Canada. Tingnan ang opisyal na listahan dito.
- Mayroong hindi bababa sa 60% na konsentrasyon ng alcohol.
Mag-ingat! Ang Health Canada ay nagbababala sa paggawa ng sariling hand sanitizer dahil maaaring hindi epektibo ang mga pormulang gawa sa bahay sa pagpuksa ng coronavirus na nagdudulot ng COVID-19. Maaari rin itong magdulot ng mga panganib sa kalusugan tulad ng iritasyon sa balat, higit na pagkasensitibo, o mga alerhiya.
“Hindi inirerekomenda ng Health Canada ang paggawa ng sariling hand sanitizer, anuman ang recipe na ito.” Hindi angkop na gawin sa bahay kahit ang mga formula na inilathala ng mapagkakatiwalaang source tulad ng World Health Organization. Ang mga formula ng hand sanitizer na ito ay nakalaan lamang para sa mga may lisensiyang prodyuser na mayroong angkop na kapaligiran sa paggawa at mga sangkap upang gumawa ng isang ligtas at epektibong produkto.
Kinikilala ng C19 Response Coalition team na…
Paano ko malalaman kung aprubado ng Health Canada ang produktong pandisimpekta? Hanapin ang 8 bilang na DIN (Drug Identification Number, Numero ng Pagkilala sa Gamot), pangalan ng produkto o kompanya sa pakete. Maaari mo rin hanapin ang 8 bilang na DIN, pangalan ng produkto sa Ingles, o pangalan ng kompanya sa Ingles sa “Filter items”/box para sa pag-filter ng mga item.
Malusog ako. Kailangan ko bang magsuot ng mask upang protektahan ang aking sarili mula sa COVID-19?
Nagpapayo ang BC Centre for Disease Control na “dapat nakalaan ang mga medical mask at N95 respirator para sa mga healthcare worker.”
Kung nanaisin mo, maaari kang magsuot ng mask na gawa sa tela. Ngunit, ipinapahayag ng BC Centre for Disease Control na hindi magbibigay proteksiyon ang mask na gawa sa tela laban sa COVID-19. Mas makakatulong ang mga mask parahindi kumalat ang mga patak na galing sa iyo upang maprotektahan ang iba kung ikaw ay:
- Mayroong katamtamang mga sintomas.
- May impeksiyon ngunit hindi nagpapakita ng mga sintomas.
- Nahihirapan na magpanatili ng distansiya mula sa iba sa labas ng iyong bahay.
Tandaan! Epektibo lamang ang mga mask kung nakakaiwas ito sa pagkalat ng mga mikrobyo sa pamamagitan ng paghugas ng kamay at pagpapanatili ng distansiya mula sa iba.
Maaari ba akong gumamit ng mask na gawa sa bahay?
Inirerekomenda ng BC Centre for Disease Control ang paggawa ng mga mask kung ikaw ay nagpapakita ng mga sintomas ng COVID-19 o nangangalaga ng taong mayroong sintomas ng COVID-19 at hindi makabili ng mga komersiyal na mask.
Paano gumawa ng sariling mask?
Narito ang ilang mga payo sa paggawa ng mga epektibong mask:
- “May ilang materyales namas mabuti kaysa sa iba. Gumamit ng malinis at nababanat na t-shirt o punda ng unan na gawa sa 100% na cotton.
- Tiyakin na masikip ang pagkakasukat ng mask sa ilong at bibig; hindi angkop ang materyal na maluwag dahil tumatagos ang mga patak.
- Dapat komportable ang mask, kung hindi, mahihirapan kang isuot ito nang madalas.
- Kung mas nahihirapan kang huminga dahil sa mask, hindi magiging epektibo ang pagkakasikip ng mask at ang paggana nito.
- Madalas na linisin o palitan ang mask.”
-Isinalin mula sa BC Centre for Disease Control (Kinuha noong Abril 15, 2020)
Matutong gumawa ng sariling mask na gawa sa tela gamit ang tela, t-shirt, o bandana sa website ng Public Health Agency ng Canada. Hindi kailangan matutong magtahi!
Mga payo sa ligtas at epektibong pagsusuot ng mask na ginawa sa bahay
- “Dapat maghugas ng kamay bago isuot at pagkatapos tanggalin ang mask (dagdag pa sa pagsasanay ng kalinisan ng kamay habang suot ang mask)
- Palitan ang mask na gawa sa tela kapag nabasa o nadumihan ito
- Ilagay ito nang diretso sa washing machine o lalagyan para sa mga labahan at diretsong inilalagay sa washing machine
- Maaaring labhan ang mga mask na gawa sa tela kasama ang ibang mga damit gamit ang mainit na tubig at maiging patuyuin.”
-Isinalin mula sa Public Health Agency ng Canada (Kinuha noong Abril 15, 2020)
Maaari ko bang gamitin muli ang aking mask?
Ipinapahayag ng Public Health Agency ng Canada na itapon ng maayos ang mga mask na hindi maaaring labhan, Kinakailangang itapon sa basuharan ang mga ito kapag nabasa, narumihan, o nasira. Dapat na labhan ang mga mask na gawa sa tela gamit ang mainit na tubig at sabong panlaba kapag ito ay nabasa o narumihan.
Higit pang impormasyon
Mag-ingat sa maling impormasyon
Mabilis na nagbabago ang impormasyon kung paano manatiling ligtas mula sa COVID-19 habang ang mga eksperto sa kalusugan at mga ahensiya ng pamahalaan ay higit pang natututo tungkol sa bagong virus na ito.
Sa kasalukuyan, ang Public Health Agency ng Canada ay “hindi nag-apruba ng anumang produkto para sa pag-iwas at paggamot sa COVID-19.”
Maraming nakatutulong na impormasyon sa internet, ngunit marami ring mga hindi totoo, at may potensiyal na nakapipinsalang mga haka-hakang umiikot tungkol sa COVID-19.
Karagdagang impormasyon
- Regular na nag-a-update dito ang Pakultad ng Medisina ng University of British Columbia ng isang listahan ng mga resource tungkol sa COVID-19 na nakasalin sa Tagalog.
Mga sanggunian
Ang lahat ng mga link ay nasa Ingles maliban na lamang kung itinala. Ang mga page ay ayon sa pagkakasunod-sunod sa pahinang ito.
- BC Centre for Disease Control (Sentro para sa Pagkontrol ng mga Sakit ng BC)
- Prevention & Risks. Kinuha noong Abril 13, 2020.
- Masks. Kinuha noong Abril 15, 2020.
- Hand washing. Kinuha noong Abril 13, 2020.
- Cleaning and Disinfecting. Kinuha noong Abril 15, 2020.
- How it Spreads. Kinuha noong Abril 15, 2020.
- Health Canada (Kagawaran ng Kalusugan ng Canada):
- Homemade hand sanitizers may present health risks. Inilathala noong Abril 2, 2020. Kinuha noong Abril 13, 2020.
- Hard-surface disinfectants and hand sanitizers (COVID-19): List of hard-surface disinfectants. Kinuha noong Abril 22, 2020.
- Hard-surface disinfectants and hand sanitizers (COVID-19): List of hand sanitizers authorized by Health Canada. Kinuha noong Abril 15, 2020.
- Public Health Agency of Canada (Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada):
- Coronavirus disease (COVID-19): Reduce the spread of COVID-19 – Wash your hands. Inilathala noong Marso 2020. Kinuha noong Abril 15, 2020.
- About non-medical masks and face coverings. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Coronavirus disease (COVID-19): Prevention and risks. Kinuha noong Abril 16, 2020.