Huling update: Mayo 25, 2020. Para sa pinakabagong impormasyon, tignan ang aming page ng mga resources na galing sa pamahalaan, ng BC Centre for Disease Control (Sentro ng BC para sa Pagkontrol ng mga Sakit) at Public Health Agency of Canada (Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada).
Alamin kung paano kumakalat ang COVID-19, paano protektahan ang iyong sarili mula sa virus, at kung paano kumuha ng impormasyon tungkol sa maling impormasyon.
Nanggagaling ang mga payong pangkalusugan sa seksiyong ito mula sa dalawang online source na may mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa pampublikong kalusugan na batay sa ebidensiya, at pinakabago: ang BC Centre for Disease Control (Sentro para sa Pagkontrol ng mga Sakit ng BC) and the Public Health Agency of Canada (Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada).
Tandaan: Nasa Ingles lamang ang parehong website. Para sa mga pangkalusugang resource na nakasalin sa Tagalong, tingnan ang seksiyong “Karagdagang Impormasyon” sa ibaba.
Ang team ng Koalisyon ng Pagtugon sa C19, kilala rin bilang ang mga taong nagpapatakbo sa website na ito, ay nakikiisa ngunit hiwalay na nakikipagtulungan mula sa mga pampublikong ahensiyang nakalista sa itaas. Nagbibigay kami ng mga aplikasyong batay sa mga totoong pangyayari para sa mga payo sa pampublikong kalusugan na ibinabahagi sa buong website.
Mahalagang impormasyon
Ano ang mga sintomas ng COVID-19?
Pinakabago: May 25, 2020
Ayon sa BC Centre for Disease Control, kabilang sa mga sintomas ng COVID-19 ang:
- Panginginig
- Ubo
- Kahirapan sa paghinga
- Masakit na lalamunan at masakit na paglunok
- Inuuhog ang ilong
- Kawalan ng pang-amoy
- Masakit na ulo
- Pananakit ng katawan at mga muscle
- Kapaguran
- Kawalan ng ganang kumain
Maaaring lumitaw ang mga sintomas 1 hanggang 14 na araw pagkatapos malantad sa virus. Ang 14 na araw na panahong ito ay tinatawag na incubation period (panahon ng ingkubasyon) ng virus, at ito ang “pinakamahabang alam na pahanon ng ingkubasyon” ng COVID-19, ayon sa kaalamang medikal.
Kahit na magkatulad ang mga sintomas na ito sa sintomas ng trangkaso at ubo, HINDI pareho ang COVID-19 sa trangkaso.
Wala akong sintomas ng trangkaso. Pwede pa rin ba akong magkasakit ng COVID-19?
Oo, ipinapahayag ng BC Centre for Disease Control na maaaring hindi magkaroon o magkaroon lamang ng kaunti/hindi malubhang mga sintomas ng COVID-19 ngunit may impeksiyon pa rin ng virus. Nagsasaliksik pa rin ang mga dalubhasa kung bakit nakararanas ng malawak at maraming sintomas ng COVID-19 ang mga pasyente. Depende sa kabuuang kalayagan ng kalusugan ng bawat indibidwal ang kanyang kakayahan sa paglaban sa COVID-19.
Tinutukoy ng bagong ebidensiya na maaaring maipasa ang virus mula sa taong may impeksiyon ngunit walang nararamdamang sintomas.
Kabilang dito ang mga tao na:
- Hindi pa nagkakaroon ng mga sintomas (pre-symptomatic); at
- Hindi kailanman nagkaroon ng mga sintomas (asymptomatic).
-Isinalin mula sa Public Health Agency ng Canada (Kinuha noong Abril 16, 2020)
Dahil sa mga dahilan sa itaas, nagpapayo ang Public Health Agency ng Canada na gawin ng lahat ang kanilang makakaya upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng personal na kalinisan at pagpapanatili ng pisikal na distansiya mula sa iba sa labas ng kanilang mga bahay. Alamin kung paano maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 dito.
Ano ang self-isolation (pagbubukod sa sarili)? Bakit ko kailangang mag-self-isolate?
Ayon sa BC Centre for Disease Control, “Ang ibig sabihin ng self-isolation ay ang pananatili sa bahay at pag-iwas sa mga sitwasyon na maaari kang maging malapit sa ibang tao.”
Dapat kang mag-self-isolate kapag ikaw ay:
- Mayroong mga sintomas ng COVID-19.
- Nakatira kasama ang mga taong mayroong sintomas ng COVID-19.
- Nakasalamuha ang isang taong kumpirmado na may COVID-19.
- Nanggaling sa labas ng Canada, ayon sa Quarantine Act (Batas ng Quarantine).
Masama ang pakiramdam ko
Masama ang pakiramdam ko at mayroon akong mga sintomas. Anong dapat kong gawin?
Pinakabago: Mayo 25, 2020.
Inirerekomenda ng BC Centre for Disease Control at ng Public Health Agency ng Canada ang mga sumusunod na mga hakbang:
1. Self-isolate (ibukod ang sarili)
- Manatili sa bahay nang hindi bababa sa 10 araw pagkatapos mong makaramdam ng mga sintomas.
- Huwag pumasok sa trabaho, paaralan, gumamit ng pampublikong transportasyon o mga taxi, o pumunta sa mga lugar na kadalasang pinupuntahan ng maraming tao, tulad ng mga tindahan, kainan o mga lugar ng pananampalataya.
- “Lumayo mula sa mga senior citizen at mga tao na may chronic o matagal at tuloy-tuloy na kondisyong medikal (hal. diabetes, problema sa baga, sakit sa puso o mahinang immune system)”.
2. Iwasan ang pagkalat ng COVID-19
- Alamin ang higit pang impormasyon dito.
3. Subaybayan ang iyong mga sintomas
- Abangan kung magkakaroon ka ng lagnat, ubo, at kahirapan sa paghinga.
Kunin at isulat ang iyong temperatura araw-araw. Subukan na huwag gumamit ng mga gamot na nagpapababa ng lagnat, kagaya ng acetaminophen, ibuprofen o paracetamol (Biogesic/Bioflu). Kung uminom ka ng acetaminophen, ibuprofen o paracetamol (Biogesic/Bioflu), kunin ang iyong temperatura nang hindi bababa sa 4 na oras pagkatapos mong uminom ng gamot na iyon.
Kabilang sa ibang mga sintomas ang: Pananakit ng muscle, fatigue (pagkahapo o pagkapagod), sakit sa lalamunan, kawalan ng ganang kumain, panlalamig o panginginig dahil sa lagnat, sipon, pagduduwal at pagsusuka, pagtatae, pagkawala ng pang-amoy at panlasa.
-Isinalin mula sa BC Centre for Disease Control (Inilathala noong Abril 15, 2020, Kinuha noong Abril 16, 2020))
4. Humanap ng pangangalagang medikal
- Gamitin ang COVID-19 Symptom Self-Assessment Tool (Tool para sa Sariling Pagtatasa ng Mga Sintomas ng COVID-19) ng BC sa https://bc.thrive.health/ upang tukuyin kung kailangan mo ng testing o karagdagang pagtatasa.
- Sundan ang payo na iyong natanggap mula sa iyong provider ng pangangalagang pangkalusugan.
- Kung bibisita ka sa pasilidad na medikal sa labas ng iyong tahanan, tumawag muna sa pasilidad upang mapaghandaan nila ang pagdating mo.
- Tumawag sa HealthLinkBC at 8-1-1. Para sa karagdagang gabay, tingnan ang seksiyong “Karagdagang Impormasyon” sa ibaba.
Mag-ingat! Sa kasalukuyan, ang Public Health Agency ng Canada ay “hindi nag-apruba ng anumang produkto para sa pag-iwas at paggamot sa COVID-19.” Napakaraming mga hindi beripikadong mga remedyo na gawa sa bahay at mga paggamot para sa COVID-19 na makikita sa internet.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa pagsuri ng mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa COVID-19, basahin ang aming gabaysa pagkilala ng maling impormasyon.
Masama ang pakiramdam ko at mag-isa lamang ako sa bahay
Para sa mga grocery, pagkain, at mga mahahalagang gamit
- Makipag-ugnayan sa mga kaibigan, pamilya o mga driver ng delivery sa pamamagitan ng pagtawag o internet na iiwan ang pagkain at mga gamit sa LABAS ng iyong bahay. Iwasan ang harapang pakikipag-ugnayan sa mga tao.
Pinapayo ng C19 Response Coalition team na…
May mga organisasyong katulad ng Pursuit Projects Society na nagbibigay ng mga grocery sa mga nangangailangang miyembro ng ating komunidad tulad ng mga senior citizen sa panahon ng emerhensiyang pangkalusugan dahil sa COVID-19.
Maaari ring lumapit ang mga miyembro ng ating komunidad sa mga food bank.
Para sa higit pang gabay, tingnan ang seksiyong “Masama ang pakiramdam ko at mayroon akong mga sintomas. Anong dapat kong gawin?” sa itaas.
Masama ang pakiramdam ko at may kasama akong ibang tao sa bahay
Panatilihin ang iyong distansiya
- Hangga’t maari, manatili at matulog sa hiwalay na kwarto at malayo sa taong kasama mo sa bahay.
- Hangga’t maari, gumamit ng hiwalay na banyo.
- “Iwasan ang harapang pakikipag-ugnayan; maaaring iwan ng mga kaibigan o pamilya ang pagkain sa labas ng iyong kwarto o tahanan.”
Kapag may kahati ka sa mga espasyo o lugar sa iyong tahanan
- Siguraduhin na may magandang sirkulasyon ng hangin ang kwarto (hal. mga bukas na bintana).
- Lumayo nang hindi bababa sa 2 metro mula sa kanila.
- Magsuot ng medikal na mask (surgical o procedural) na tinatakpan ang iyong ilong at bibig.
- Kung hindi ka makapagsuot ng mask, dapat na magsuot ang mga kasama mo sa bahay ng mask kapag nasa iisang kwarto kayo.
Para sa higit pang gabay, tingnan ang seksiyong “Masama ang pakiramdam ko at mayroon akong mga sintomas. Anong dapat kong gawin?” sa itaas.
Mas mabuti na ang aking pakiramdam. Kailan ako pwedeng tumigil na mag-self-isolate?
Pinakabago: Mayo 25, 2020
Manatili sa bahay at mag-self-isolate nang hindi bababa sa 10 araw pagkatapos mong makaranas ng mga sintomas. Maaari mong tapusin ang iyong self-isolation kung natutugunan mo ang sumusunod na 3 pamantayan mula sa BC Centre for Disease Control:
- Hindi bababa sa 10 araw ang nakalipas simula nang magsimula ang iyong mga sintomas, AT
- Wala na ang iyong lagnat, at hindi na gumagamit ng mga gamot na pampababa ng lagnat (hal. Tylenol, ibuprofen, Biogesic o Bioflu), AT
- Mas mabuti na ang iyong pakiramdam (hal. pagbuti ng pag-ubo, sipon, sakit ng lalamunan, pagduduwal, pagsusuka, pagtatae, o fatigue (pagkahapo o pagkapagod)). Maaaring tumagal ang pag-ubo nang ilang linggo, kung kaya’t ang pag-ubo lamang ay hindi nangangahulugang kailangan mong ituloy ang pag-self-monitor at pag-self-isolate.
-Isinalin mula sa HealthLink BC (Kinuha noong Mayo 25, 2020).
Kung lumala ang iyong mga sintomas o nagkaroon ng paghingal sa loob ng unang 10 araw:
”Tawagan ang inyong pampamilyang doktor o nurse practitioner para sa madaliang medikal na atensiyon. Kung hindi mo makausap ang iyong regular na provider ng pangangalaga, maghanap ng pangangalaga sa isang COVID-19 Assessment and Treatment Centre (Sentro ng Pagtatasa at Paggamot sa COVID), Urgent & Primary Care Centre (Sentro ng Agarang at Pangunahing Pangangalaga, UPCC) o Emergency Department ng ospital.”
Pag-manage sa COVID-19
Mayroon akong chronic, matagal o tuloy-tuloy na kondisyong pangkalusugan, ano ang dapat kong gawin?
Ayon sa BC Center for Disease Control, ang mga nakatatanda na mayroong chronic, matagal o tuloy-tuloy na kondisyong pangkalusugan tulad ng diabetes, sakit sa puso, at sakit sa baga ay “mayroong mas mataas na panganib sa pag-develop ng mas malubhang sakit o komplikasyon mula sa COVID-19”.
Protektahan ang iyong sarili
- Magkaroon ng hindi bababa sa 2 linggong supply ng gamot.
- Magsuot ng medikal na surgical o procedural mask para sa mukha. Kung wala kang mga medikal na mask, gumamit ng hindi medikal na mask upang takpan ang iyong ilong at bibig.
- Manatili sa bahay at iwasang makipagkita nang personal sa mga kaibigan at kapamilya.
- Upang higit pang matuto, tingnan ang aming post sa Pag-iwas at Personal na Kalusugan.
Pag-alis ng bahay upang magpunta sa doktor
Nagpapayo ang BC Center for Disease Control na lumabas lamang sa iyong tahanan para sa mga medikal na appointment para sa iyong chronic, matagal o tuloy-tuloy na kondisyong pangkalusugan. Kapag nasa labas ng bahay:
- Manatiling hindi bababa sa 2 metro mula sa ibang tao.
- Magkaroon ng hindi bababa sa 2 linggong supply ng mga gamot.
- Iwasan ang paghawak sa mga patungan sa mga pampublikong lugar tulad ng mga hawakan ng pinto, handrail, o mga button sa elevator. Kung kailangan mong hawakan ang mga ito, gumamit ng tissue o manggas upang takpan ang iyong mga kamay.
- Madalas na maghugas ng kamay, hangga’t maaari.
- Gumamit ng hand sanitizer na may alcohol kapag walang lababo.
Pinapayo ng C19 Response Coalition team na…
Magtanong sa iyong botika kung mayroon silang mga serbisyo sa pagdeliver ng gamot o pinapahintulutan ang ibang tao na kuhanin ang mga iniresetang gamot sa iyong ngalan.
Naninirahan ako kasama ang isang taong may mga sintomas ng COVID-19, ano ang dapat kong gawin?
Pinakabago: Mayo 25, 2020
Ang Public Health Agency ng Canada ay nagpapayo na sundin ang mga sumusunod na hakbang para sa sinumang nakatira sa isang bahay kung saan may kasambahay na may COVID-19 o mga sintomas sa baga.
Mag-self-isolate sa tahanan nang 14 na araw
- Manatili sa bahay nang hindi bababa sa 14 na araw
- Iwasang makipagkita sa sinumang tao na nasa labas ng iyong bahay.
- Subaybayan kung nagkakaroon ka ng mga sintomas.
Panatilihin ang iyong distansiya
- Kung posible, manatili sa magkakaibang kwarto, matulog sa magkakaibang kama, at gumamit ng magkakaibang banyo.
- Magsuot ng nabibiling mask o mask na gawa sa bahay gamit ang tela kung ikaw ay nasa parehong kwarto ng taong may sintomas. Higit pang matuto tungkol dito.
- “Huwag makihati ng mga ulam o pagkain, makigamit ng mga baso, cup, kubyertos, tuwalya, sapin sa kama o iba pang mga gamit ng taong maysakit.”
Mga payo para sa ligtas na paglilinis
- Regular na disimpektahin at linisin ang mga patungan sa mga lugar na ginagamit kasama ang ibang tao tulad ng mga countertop, hawakan ng pinto, banyo, at gripo.
- Palaging lagyan ng plastik ang mga basurahan at mag-ingat na huwag mahawakan ang mga nagamit nang tissue.
- Palaging lagyan ng naitatapong plastik ang mga lalagyan ng labada. “Maglaba gamit ang regular na sabong panlaba at mainit na tubig (60-90°C)”.
- Gumamit ng mga guwantes at medikal na mask (surgical o procedural) kapag naghahawak ng kahit ano na maaaring nagkaroon ng contact sa mga laway o likido na galing sa katawan. Itapon kaagad ang mga guwantes at mask.
- Maghugas ng kamay gamit ang sabon at bahagyang mainit na tubig pagkatapos maghawak ng anumang basura o labada.
Testing para sa COVID-19
Pinakabago: Mayo 25, 2020
Ang BC Centre for Disease Control ay nagpapalawak ng testing para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga komunidad. Inirerekomenda ang testing para sa sinumang may mga sintomas, kahit na banayad lamang ito:
- Panginginig
- Ubo
- Kahirapan sa paghinga
- Masakit na lalamunan at masakit na paglunok
- Inuuhog ang ilong
- Kawalan ng pang-amoy
- Masakit na ulo
- Pananakit ng katawan at mga muscle
- Kapaguran
- Kawalan ng ganang kumain
-Isinalin mula sa BC Centre for Disease Control. (Kinuha noong Mayo 25, 2020).
Upang tukuyin kung kailangan mo ng testing para sa COVID-19, gamitin muna ang COVID-19 Self-Assessment Tool (Tool sa Sariling Pagtatasa para sa COVID-19) ng BC.
Available ang testing para sa COVID-19 sa mga inirefer ng kanilang doktor, nurse practicioner, o sa pamamagitan ng pagtawag sa HealthLinkBC sa 8-1-1.
Paggamot para sa COVID-19
Sa kasalukuyan, walang bakuna para sa paggamot ng COVID-19. “Kung nakatanggap ka ng bakuna para sa flu o trangkaso, hindi ka nito mapo-protektahan laban sa mga coronavirus.”
Para sa karamihan ng mga kaso, nagpapayo ang BC Centre for Disease Control ng paggamot sa bahay tulad ng “Pag-inom ng maraming likido, pagpapahinga, at paggamit ng humidifier o mainit na shower upang mas guminhawa ang ubo o sakit sa lalamunan”. Para sa mga malubhang kaso ng COVID-19, maaaring kailanganin ng pangangalaga sa ospital.
Higit pang impormasyon
Mag-ingat sa maling impormasyon
Mabilis na nagbabago ang impormasyon kung paano manatiling ligtas mula sa COVID-19 habang ang mga eksperto sa kalusugan at mga ahensiya ng pamahalaan ay higit pang natututo tungkol sa bagong virus na ito.
Sa kasalukuyan, ang Public Health Agency ng Canada ay “hindi nag-apruba ng anumang produkto para sa pag-iwas at paggamot sa COVID-19.”
Maraming nakatutulong na impormasyon sa internet, ngunit marami ring mga hindi totoo, at may potensiyal na nakapipinsalang mga haka-hakang umiikot tungkol sa COVID-19. Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa pagsuri ng mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa COVID-19, basahin ang aming gabaysa pagkilala ng maling impormasyon at page para sa pagsusuri ng katotohanan ng mga haka-haka tungkol sa COVID-19.
Karagdagang Impormasyon
- Ginawa ng BC Ministry of Health (Kagawaran ng Kalusugan ng BC) ang COVID-19 Symptom Self-Assessment Tool (Tool para sa Sariling Pagtatasa ng Mga Sintomas ng COVID-19) ng BC upang tukuyin kung kailangan mo ng karagdagang pagtatasa o pagsusuri para sa COVID-19. Mababasa sa Tagalog, Tradisyonal na wikang Tsino, Vietnamese, Ingles, Punjabi, Korean, Hindi, Farsi at Arabic.
- Regular na nag-a-update dito ang Pakultad ng Medisina ng University of British Columbia ng isang listahan ng mga resource tungkol sa COVID-19 na nakasalin sa Tagalog.
Mga helpline (linya ng tulong) para sa COVID-19
- Tingnan ang aming detalyadong mga gabay sa mga helpline para sa COVID at kung paano makakuha ng suporta sa Tagalog dito.
- Para sa medikal na impormasyon at medikal na payo, tumawag sa HealthLink BC sa 8-1-1. Maaaring humiling ng tagasalin sa Tagalog.
- Para sa mga hindi medikal na impormasyon tungkol sa COVID-19 kabilang ang suporta at mga resource mula sa mga panlalawigan at pederal na pamahalaan, tumawag sa panlalawigang helpline sa 1-888-COVID19. Maaaring humiling ng tagasalin sa Tagalog.
- Nagbibigay ang United Way ng impormasyon at suportang pampinansiyal, mga serbisyong legal, mga pampamilyang serbisyo, at higit pa sa 2-1-1.
- Para sa agarang tulong para sa mga nakamamatay na emerhensiya, pananakit ng dibdib, at kahirapan sa paghinga, tumawag sa 9-1-1. Maaaring humiling ng tagasalin sa Tagalog.
- Para sa mga hindi medikal na impormasyon tungkol sa COVID-19, tumawag sa pampederal na toll free (walang bayad) na numero ng Canada sa 1-833-784-4397.
Mga Sanggunian
Pinakabago: Mayo 25, 2020
Ang lahat ng mga link ay nasa Ingles maliban na lamang kung itinala. Ang mga page ay ayon sa pagkakasunod-sunod sa pahinang ito.
- BC Centre for Disease Control (Sentro para sa Pagkontrol ng mga Sakit ng BC)
- Symptoms. Kinuha noong Mayo 25, 2020.
- How to self-monitor. Inilathala noong Abril 15, 2020. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- How to isolate. Inilathala noong Abril 15, 2020. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Daily Self-Monitoring Form for COVID-19. Inilathala noong Abril 24, 2020. Kinuha noong Mayo 25, 2020.
- Self-isolation. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- People with chronic conditions. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- COVID-19 information for patients with chronic health conditions. Inilathala noong Abril 15, 2020. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Cleaning and disinfecting. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Testing. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Common Questions: Is there a vaccine for COVID-19? Kinuha noong Abril 16, 2020.
- HealthLinkBC
- Coronavirus disease (COVID-19). Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Self-Isolation and COVID-19. Kinuha noong Mayo 25, 2020.
- Public Health Agency of Canada (Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada)
- New Order Makes Self-Isolation Mandatory for Individuals Entering Canada. Inilathala noong Marso 25, 2020. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Coronavirus disease (COVID-19): Symptoms and treatment. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- Coronavirus disease (COVID-19): Prevention and risks. Kinuha noong Abril 16, 2020.
- World Health Organization: Q&A: Similarities and differences – COVID-19 and influenza. Inilathala noong Marso 17, 2020. Kinuha noong Abril 16, 2020.