Huling update: Hulyo 8, 2020. Para sa pinakabagong impormasyon, tignan ang aming page ng mga resources na galing sa pamahalaan.
Matutong kumilala ng mapagkakatiwalaang source at ang pagkakaiba nito sa fake news o maling balita na makakasama sa inyo at sa ating komunidad.
Hangad namin na magagamit niyo ang simpleng gabay na ito bilang pang-araw-araw na gabay sa panahon ng pandemya, upang mas madaling kilalanin ang tama at maling impormasyong tungkol sa COVID-19.
Sa pamamagitan ng gabay na ito, maaaring malaman kung paano:
Sumuri ng impormasyon: kung ito ay katotohanan o mali.
Tumigil sa pagpapalaganap ng maling impormasyon.
Maghanap ng mga mapagkakatiwalaang source ng impormasyon at balita tungkol sa COVID-19
Mga termino at kahulugan
Ang mga termino at kahulugan na ginamit sa bahaging ito ay galing sa ulat ng UNESCO noong 2018 tungkol sa pamamahayag, fake news at pagkalat ng maling impormasyon/ disimpormasyon. "Journalism, ‘Fake News’ & Disinformation".
Misinformation/Maling impormasyon: Maling impormasyong ginawa o ikinalat ngunit walang masamang hangarin.
Halimbawa: maaaring makita ang maling impormasyon sa pamamagitan ng mga kumakalat na text message na mayroong listahan ng mga gamot at lunas sa COVID-19, pero sa katunayan ay galing sa listahan ng payo sa pangkalahatang kalusugan. Tandaan natin na sa kasalukuyan, wala pang gamot at lunas para sa COVID-19. Alamin ang mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa ating kalusugan at COVID-19 dito.
-
Disinformation/ Disimpormasyon: Sadyang mapanlinlang paghahatid ng hindi totoong impormasyon upang lituhin o manipulahin ang mga tao
Ang disimpormasyon ay pagsasamantala sa wika at kombensyon ng pamamahayag para linlangin ang mga tao na maniwala na ang maling impormasyon ay wasto at galing sa mapagkatiwalaang source. Ang disimpormasyon ay may malawak na kakayahan at maayos na sistema dahil pinangungunahan ito ng mga tao at mga organisasyong makikinabang (pulitika, pera, lipunan) kapag naniniwala ang mga tao na ang kanilang fake news ay totoo.
Ang disimpormasyon ay gumagamit ng awtomatikong teknolohiya (automated technology) at ng social media, at lingid sa ating kaalaman, marami sa atin ay nakikilahok sa mabilis na pagkalat ng maling impormasyon sa internet. Kapag naniniwala ang mga walang kamalay-malay na mga tao na ang kanilang ibinabahagi ay totoo, kahit na ito ay maling impormasyon, nakakabuwelo ang disimpormasyon sa mas madaling pagkalat.
Bakit mahalaga na marunong tayong maghanap ng impormasyong mapagkakatiwalaan?
Hindi maganda ang epekto ng disimpormasyon sa mga tao at sa mga komunidad.
Bakit ito mahalaga
- Ang kasalukuyang krisis sa pandaigdigang kalusugan ay lumikha ng mataas na antas ng takot at kawalan ng katiyakan.
- Ang napakaraming impormasyon tungkol sa COVID-19 ay nangangahulugang marami ring maling impormasyon tungkol sa mga gawing pangkalusugan, mga hakbang na nakakaiwas, at mga ulat kung paano kumalat ang COVID-19.
- Nakikita ang disimpormasyon tungkol sa COVID-19 sa pamamagitan ng maraming paraan, kabilang na ang mga sinasabing nakakapagpagaling na gamot, mga payo sa kalusugan, at balitang pampulitika. May epekto itong takutin ang mga mambabasa.
Paano kumakalat ang disimpormasyon
- Maaaring walang malay ang mga mambabasa na hindi sigurado kung ano ang totoo sa mga pinakabagong impormasyon tungkol sa COVID-19 na mula sa mapagkakatiwalaang source.
- Pakiramdam ng mga mambabasa na gusto nilang ibahagi ang mga mensahe sa kanilang mga kaibigan o kamag-anak sa pagbabakasakaling ito ay maaaring makatulong sa kanila.
- Nakakatulong sa pagiging viral (sumikat sa pamamagitan ng social media) ang mga mensahe sa social media, at nagiging sanhi ng pagkalat ng maling impormasyon na lumilikha ng takot sa masa.
Paano ito nakakaapekto sa ating mga pamilya at sa mga komunidad
- Sa Canada, partikular na mahalaga ang pagkalat ng maling impormasyon/disimpormasyon para sa mga komunidad na hindi gumagamit ng Ingles o Pranses bilang pangunahing wika. Para sa mga komunidad na ito, mahirap kumuha ng mapagkakatiwalaang impormasyon dahil sa hadlang sa pag-intindi ng Ingles o Pranses (language barrier), at pati na rin ang kakulangan ng mga pagkukunan ng impormasyon sa kanilang sariling wika.
- Nasa Ingles lamang ang mga pinakabagong balita at madalas na mabagal ang paglabas ng mga isinalin na impormasyon. Dahil dito, mabagal na nakakatanggap ng impormasyon ang mga komunidad na hindi Ingles o Pranses ang pangunahing wika. Ang pinagsamang kahirapan sa pagkuha at ang pagkaantala sa pagtanggap ng mapagkakatiwalaang impormasyon ay nagreresulta sa mga komunidad na hindi nagsasalita ng Ingles na mas maniwala sa disimpormasyon.
- Mayroong isang kategorya ng disimpormasyong kaugnay sa COVID-19 na nagkakalat ng hindi tumpak na impormasyon tungkol sa Tsina, tungkol sa pinagmulan ng virus, at tungkol sa mga Asyano sa pangkalahatan. Habang patuloy ang malawakang epidemiya, mapapansin ang pagdami ng mga taong nagkakaroon ng hindi magandang pananaw sa mga Asyano, diskriminasyon sa mga taong galing sa ibang bansa (xenophobia), at rasismo kaugnay sa COVID-19 simula noong Enero. Bukod pa rito, maaaring makapinsala sa mga tao ang pagsunod sa hindi totoo o maling payo sa kalusugan.
Paano alamin ang pagkakaiba ng mapagkakatiwalaang impormasyon at mga fake news
1. Suriin ang pinagmulan ng iyong impormasyon
Mahalagang punto:
Maraming impormasyon tungkol sa COVID-19 sa internet, kabilang ang mga nababasa natin o materyal na ibinabahagi sa pagitan ng mga magkakaibigan at kapamilya, ay hindi napatunayan ng pananaliksik at mapagkakatiwalaang source ng impormasyon. Suriing mabuti ang pinanggagalingan ng mga nilalaman nito at tingnan kung ito ay pinapatunayan ng iba’t-ibang mapagkakatiwalaang source ng impormasyon.
Tumigil at itanong sa sarili:
- Maaari mo bang suriin ang opisyal na website ng pamahalaan o awtoridad sa kalusugan? Tinatalakay din ba nila ang mga mensahe sa nilalaman ng binabasa mo?
- Para sa mga larawan:
- Maaari mo bang mahanap ang pinagmulan ng larawan at matatanto mo ba na hindi mali ang konteksto?
- Maaari mong hanapin ang orihinal na pinagmulan ng isang larawan sa TinEye.
- Mukhang peke ba ang larawan o di kaya ay binago o in-edit?
- Para sa mga website:
- Ito ba ay mukhang mapagkakatiwalaan?
- Tingnan ang pangalan ng kanilang domain/site. Pamilyar ba sa iyo ang pangalan ng website? Tandaan na kahit na ang mga website na may .org o .net o. ca sa dulo ay maaaring ring naglalaman ng hindi mapagkakatiwalaang impormasyon.
- Marami bang mga ad ang website? Tandaan na ang isang website na puno ng mga ad ay maaaring nagpapahiwatig na ang tanging layunin nito ay para lamang makakuha ng clicks o website traffic para makakuha ng pera sa mga advertiser.
- Para sa mga video:
- Maaari mong bang magarantiya na ang nilalaman ng video ay ay talagang tungkol sa COVID-19 at nagpapaabot ng tamang impormasyon? Gumagamit ba ito ng mga balita at mga imahe mula sa iba't-iba, ngunit hindi napatunayang mga source, upang lumikha ng isang maling salaysay na nagdudulot ng pagka-balisa tungkol sa malawakang epidemiya ng COVID-19?
- Maaari mo bang mahanap ang source ng video?
- Binanggit ba ang pangalan ba ng may-akda ng nilalaman?
- Ang pagpapangalan ng may-akda ay nagpapahiwatig na may taong handang tumanggap ng pananagutan na hindi mali ang kanyang isinulat. Kung may pangalan ang may-akda, tiyakin na siya ay may ibang pang isinulat, at siya ay hindi makokonekta sa mga hindi mapagkakatiwalaang source.
- Ano ang nilalaman ng ibang isinulat ng may-akda? Ano ang matututunan mo sa mga ito?
- Tandaan na kahit walang pangalan ang may-akda, hindi nangangahulugang ito ay disimpormasyon. Mapagkakatiwalaan ba ang organisasyon ba na pinagmumulan ng mensahe?
Karagdagang impormasyon:
Nakakaapekto ang COVID-19 sa maraming komunidad sa buong mundo, at ang mga tao ay may malakas na pagnanais na malaman kung ano ang nangyayari. Sa kasamaang-palad, nangangahulugan din ito na maaaring hindi totoo ang impormasyong nakikita online o naririnig mula sa mga kaibigan at kapamilya. Madaling kumalat sa buong komunidad ang haka-haka (rumors), at ang mga maling mensahe at balita ay maaaring magdulot ng matinding pag-aalala, paranoia (pagiging paranoyd) o kawalan ng tiwala sa mga pangyayari.
Ipinapayo namin kumpirmahin ang anumang nababasa sa mga pinaniniwalaang source ng impormasyon, tulad ng Public Health Agency of Canada (Ahensya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada) at ng BC Centre for Disease Control (Sentro ng BC para sa Pagkontrol ng mga Sakit). Alamin dito ang mga halimbawa ng mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng mga balita tungkol sa kalusugan at COVID-19 mula sa pamahalaan.
Ang ilang mga website ay nagpapanggap na lehitimong ahensiya ng balita, ngunit sa totoo, ang mga ito ay pinagmumulan ng mga fake news. Hinihikayat namin kayo na kumpirmahin kung ang mga ahensiyang ito ay may reputasyong mapagkakatiwalaan sa internet.
Kung ang format ng nilalaman ay larawan o video, alalahanin na maaaring ang mga ito ay naglalaman ng maling impormasyon tungkol sa COVID-19 na naglalayong linlangin ang mga tao mula sa katotohanan.
Halimbawa, mayroong isang video na kumakalat sa Instagram na ang titulo ay: "Samantala binubuwag ng mga Tsino ang mga antenna ng 5G”. Ito ay nagresulta sa maling haka-haka na ang 5G ang dahilan sa pagkakaroon ng COVID-19. Ang totoo, ang video ay kinuha sa Hong Kong noong Agosto 2019, at ipinapakita ang mga nag-aaklas laban sa Tsina na bumubuwag sa isang poste ng kuryente (isang “smart” lamp-post) na nilagyan ng goberyno ng mga kamera. Ito ay isang halimbawa kung paano kumakalat ang disimpormasyon.
2. Alamin ang pagkakaiba ng katotohanan at opinyon
Mahalagang punto:
Para malinaw na makilala ang pagkakaiba ng katotohanan sa opinyon, maingat nating suriin kung ano ang sinasabi, sino ang nagsasabi nito, at kung ito ay suportado ng mapagkakatiwalaang pananaliksik.
Tumigil at itanong sa sarili:
- Mayroon bang mapagkakatiwalaang ebidensya na sumusuporta sa nilalaman ng mensahe?
- Mapagkakatiwalaan ba ang tao o organisasyon na nagpapakalat ng impormasyon? Sila ba ay kumikilos para sa interes ng publiko?
- Anong mga ibang materyal ang kanilang nagawa? Kung ito ay isang Facebook page, sila ba ay nagkakalat lamang ng mga viral o sensasyonal na impormasyon? Sila ba ay mapagkukunan ng mga mapagkakatiwalaang balita na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga tao?
Karagdagang impormasyon:
Ang mga katotohanan ay batay sa mga pag-aaral, akademikong ulat, at matatag na pagsubok sa ebidensya. Sa pagsusuri ng katotohanan (fact-check), kailangang tignan ang ebidensiya mula sa iba’t-ibang pinagkukunan upang matiyak na hindi ito mali. Nangangailan ang prosesong ito ng sapat na panahon at pagsisikap.
Sa kabilang banda, madali at mabilis na ibahagi ang mga opinyon. Maaari itong batay sa mga katotohanan, o kahit na sa mga haka-haka, o paghahayag lamang ng saloobin. Nakapipinsala ang mga opinyon na hindi batay sa mapagkakatiwalaang impormasyon kapag ipinapalabas itong totoo at ikinakalat bilang katotohanan. Kahit na ang ibang mga opinyon ay walang basehan sa mga katotohanan, maaaring maniwala ang mga tao kapag ito ay nagsasalamin sa kanilang mga pangamba at alalahanin.
Mas mahirap tiyakin kung ang isang bagay ay totoo o opinyon kapag inalis ang nilalaman sa konteksto. Marami sa mga impormasyon na inikakalat sa internet ay binubuo ng mga screenshot, maiikling clip mula sa mas mahahabang video, o tekstong nagmula sa mas mahabang artikulo.
3. Isaalang-alang ang layunin at konteksto
Mahalagang punto:
Kapag nakakabasa ng nilalaman, pag-isipan mabuti ang konteksto kung bakit ibinabahagi ang impormasyong ito.
Tumigil at itanong sa sarili:
- Lohikal ba ang nilalaman ba ng binasa mo?
- Kung may payong pangkalusugan, ikaw ba o ang iyong doktor/ mga tagapangalaga ng kalusugan ay sumasang-ayon na ang payo ay ligtas?
- Anu-ano ang mga panganib kapag sinunod ang payo?
- Ano ang gustong ipagawa sa iyo ng nilalaman? May panganib ba ito?
- Ano ang mapapala ng gumawa ng nilalaman sa pagkalat ng impormasyong ito?
- Palagay mo ba na ang gumawa o sumulat ng impormasyon o nilalamang ito ay kikita sa pagkakalat ng nito?
- Palagay mo ba na ito ay nagtatangkang maminsala, manisi o manakit ng ibang tao?
Karagdagang impormasyon:
Sa mga panahong walang katiyakan, ang pagkatakot at pangamba ay hadlang sa pag-iisip nang maingat at nagreresulta ito ng madaliang pagpapasya para kumilos dahil sa pagbabaka-sakali. Kung maraming bagay ang hindi tiyak tungkol sa COVID19, maaaring mahihirapan tayong mabatid kung ang pinakabagong impormasyong mababasa natin tungkol sa virus ay mapagkakatiwalaan o hindi.
Ang iba’t-ibang pamamaraan sa pag-aaruga sa ating kalusugan na nag-uugat sa ating kultura ay nakakadagdag sa nakalilitong impormasyon at pamamahayag (media landscape).
Higit pang impormasyon
Para sa karagdagang kaalaman
- Para sa mga halimbawa kung paano nagpapayo ang aming grupo kung paano kayo mag-fact check, basahin ito.
- Para sa aming listahan ng mga pinagkakatiwalaang pinagkukunan ng impormasyon, basahin ito.
- Nagbibigay ang Tugon ng Pamahalaan ng British Columbia sa COVID-19 ng pinakamapagkakatiwalaan at pinakabagong impormasyon mula sa pamahalaan at suportang pampinansiyal, pantrabaho, para sa mga nangungupahan at mga nagpapa-upa, pang-edukasyon, para sa pangangalaga sa mga bata, at iba pa.
- Ang Lunsod ng Vancouver ay nagbibigay ng pinakabagong impormasyon sa pagsara ng mga serbisyong panlungsod, pangangalaga sa mga bata, pagkain, at suporta sa mga lokal na negosyo, para sa mga residente ng Vancouver.
- Ang Pakuldad ng Medisina ng UBC ay naglalabas ng regular na ina-update ang listahan ng mga impormasyon tungkol sa COVID-19.
- Ang BC Centre for Disease Control (Sentro ng BC para sa Pagkontrol ng mga Sakit) ay may mapagkakatiwalaang impormasyon sa pag-iwas, mga panganib at mga sintomas ng COVID-19 para sa mga residente ng British Columbia. (Hindi isinalin sa Tagalog at mababasa lamang sa Ingles.)
- Ang Public Health Agency of Canada Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada) ay may mapagkakatiwalaang impormasyon sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19, mga istatistika, financial resources, at ligtas na paglalakbay.(Hindi isinalin sa Tagalog at mababasa lamang sa Ingles.)
- Ang COVID-19 Economic Response Plan ng Pamahalaan ng Canada ay may mapagkakatiwalaan at pinakabagong impormasyon sa tulong pinansyal para sa mga indibidwal, mga negosyo, at ibang sektor.(Hindi isinalin sa Tagalog at mababasa lamang sa Ingles.)