Huling update: Hunyo 10, 2020. Para sa pinakabagong impormasyon, tignan ang aming page ng mga resources na galing sa pamahalaan.
Ang mga scam ay mapanlinlang na kampanya na naglalayon at sinasadyang lokohin ang mga tao na maniwala na ito ay tunay na anunsyong pampublikong serbisyo, lehitimong patalastas, o mga opisyal na entidad. Sinusubukan ng mga scam na hikayatin kayong ibigay ang iyong personal na impormasyon para magamit sa masamang layunin. Dumarami ang mga scam sa kasalukuyang pandemya ng COVID-19 at sinasamantala nito ang takot at pagkabalisa ng mga tao sa walang katiyakan ng pandaigdigang krisis ng kalusugan. Alamin ang mga scam na kailangang tutukan at kung saan makakahanap ng mapagkakatiwalaang impormasyon.
Lahat ng impormasyong tungkol sa mga scam at mga payo sa website na ito ay galing sa Pamahalaan ng Canada at sa Canadian Fraud Centre.
Tandaan: Ang dalawang website na ito ay parehong mababasa sa Ingles lamang.
Ang team ng Koalisyon ng Pagtugon sa C19 ay siya ring nagpapatakbo sa website na ito. Kami ay nakikiisa, ngunit hiwalay, na nakikipagtulungan mula sa mga pampublikong ahensiyang nakalista sa itaas. Nagbibigay kami ng mga gabay batay sa mga totoong pangyayari para mas maprotektahan ninyo ang inyong sarili sa iba’t-ibang uri ng pandaraya (fraud) na nabanggit dito.
Mga mahahalagang link
Ang Anti-Fraud Center ng Pamahalaan ng Canada ay ang may pinakabagong impormasyon tungkol sa mga panlolokong pinansyal na nauugnay sa COVID-19.
Ang Aming Gabay para sa Pagsusuri ng Totoo sa Peke, kinakailangan dahil sa pagdami ng impormasyon tungkol sa COVID-19.
Ang aming page na Mga Update Mula Sa Pamahalaan ay may listahan ng mga pinakahuli at mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa COVID-19.
Protektahan ang iyong sarili laban sa scam at panlolokong pinansyal
May babala ang Canadian Anti-Fraud Centre na maging maingat sa mga sumusunod na scam at panlolokong pinansyal. Alamin kung paano protektahan ang iyong sarili at paano maghanap ng makapagkakatiwalaang impormasyon galing sa pamahalaan o mula sa C19 Response Coalition.
Mga tawag, email, text, at website na nagpapanggap bilang pamahalaan, health authority, o mananaliksik.
Ano ang totoo?
- Ang mga ahensya ng pamahalaan at awtoridad sa pangangalagang pangkalusugan ay hindi kailanman magpapadala ng mga email, magte-text, o tatawag sa inyo para humingi ng mga personal na impormasyon o detalye ng iyong account.
Nangyari ito sa akin. Ano ang dapat kong gawin?”
- Kumpirmahin ang pagkakakinlan (identity) ng taong nakikipag-ugnayan sa inyo.Tanungin kung sino sila at kung talagang nagtatrabaho sila sa organisasyong sinasabi nilang kanilang kinakatawan.
- Huwag kailanmang tumugon o magki-click sa kahina-hinalang mga link at mga kalakip (attachments).
- Huwag kailanmang magbigay ng iyong personal at pinansyal na impormasyon, lalong-lalo na ang iyong Social Insurance Number (SIN).
- Para sa mga email, suriin ang email address na pinanggalingan . Kadalasang nagmumukhang lehitimo ang mga email, ngunit galing ito sa mga scammer. Ang isang babala ay kapag hindi nagtutugma ang email domain sa organisasyon na sinabing pinanggagalingan ng nagpadala ng mensahe.
- Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang aming gabay kung paano ihiwalay ang katotohanan mula sa mga maling impormasyon sa panahong marami ang impormasyon tungkol sa COVID19.
Mga kahilingan at mga alok para sa magbabayad, mga payong medikal, mga tulong na pampinansyal, mga tulong mula sa pamahalaan at bayad mula sa mga organisasyon na hindi mo nakikilala.
Ano ang totoo?
- Ang mga ahensiya ng pamahalaan at awtoridad sa pangangalagang pangkalusugan ay hindi kailanman magpapadala ng mga email at text, o tatawag sa inyo para humingi ng pera o tanungin ang iyong personal o pinansyal na impormasyon.
- Kung hindi mo kilala ang taong nakikipag-ugnayan sa inyo o kaya wala kang inaasahang tatawag, kumpirmahing mabuti ang kanilang pagkakakinlan (identity).
Nangyari ito sa akin, ano ang dapat kong gawin?
- Huwag kailanman tumugon o magki-click sa kahina-hinalang mga link at mga kalakip (attachments).
- Huwag kailanman magbibigay ng iyong personal at pinansyal na impormasyon, lalong-lalo na ang iyong Social Insurance Number (SIN).
- Kumpirmahin ang pagkakakinlan (identity) ng taong nakikipag-ugnayan sa inyo. Tanungin kung sino sila at kung sila ay talagang nagtatrabaho sa organisasyon na sinasabi nilang kinakatawan.
- Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang aming gabay kung paano ihiwalay ang katotohanan sa mga maling impormasyon sa panahong marami ang impormasyon tungkol sa COVID19.
Di-awtorisado at mga pekeng organisasyong kawanggawa na humihingi ng pera para sa mga biktima, produkto o pagsasaliksik (research).
Ano ang totoo?
- Ang mga organisasyong lehitimo ay nakarehistro sa Pamahalaan ng Canada. Tingnan ang listahan dito.
Nangyari ito sa akin. Ano ang maaari kong gawin?
- Huwag mapilitang magbigay ng donasyon sa anumang organisasyong kawanggawa.
- Kumpirmahin ang pagkakakinlan (identity) ng taong nakikipag-ugnayan sa inyo at kung ang organisayong kawanggawa ay nakarehistro sa Pamahalaan ng Canada at kasama sa listahan dito.
Mga mamahalin o mababang kalidad na produkto ay binibili ng maramihan ng mga mamimili upang ibenta para magkaroon ng tubo.
Ano ang totoo?
- Mag-ingat sa mga ganitong produkto sapagkat maaaring ito ay expired o mapanganib sa iyong kalusugan.
- Ang Pamahalaan ng British Columbia ay naglabas ng kautusang nagbabawal sa pagbenta ng mga essential goods (mahahalagang produkto) na orihinal na binili sa isang retailer.
“Walang sinuman ang maaaring magsagawa ng secondary selling o ‘buy and sell’ ng mga essential goods at supply.”
-Isinalin mula sa Order 9 ng Opisina ng Panlalawigang Opisyal ng Kalusugan. COVID-19: Mga kadalasang tanong tungkol sa mga Provincial Orders (Panlalawigang Utos). (Hinalaw noong Mayo 27, 2020))
Mga kaduda-dudang alok ng mga produkto tulad ng mga miracle cure, halamang gamot, bakuna, at mas mabilis na COVID-19 testing.
Ano ang katotohanan?
- Sa kasalukuyan, ang Ahensya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada ay “hindi pa nag-apruba ng anumang produkto para sa pag-iwas at paggamot sa COVID-19. Ilegal sa Canada ang pagtinda at paggamit ng maling impormasyon para kumbinsihin ang mga taona bumili ng di-awtorisadong produktong sinasabing makakagamot o makakapaiwas sa COVID-19.”
- Ang Sentro ng BC para sa Pagkontrol ng mga Sakit at Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada ang may mga pinakabago at pinakakatiwalaang impormasyon tungkol sa testing at pag-gamot sa COVID-19.
Nangyari ito sa akin. Ano ang maaari kong gawin?
- Tingnan ang Sentro ng BC para sa Pagkontrol ng mga Sakit at Ahensiya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada para sa tamang impormasyon tungkol sa testing at paggamot.
- Maaari mong i-report sa online complaint form ng Pamahalaang Canada ang ilegal na pagbenta o patalastas ng anumang produkto na sinasabing nakakagamot, nakakapigil sa impeksyon, o nakakagaling ng COVID-19.
Mga peke at nakakalinlang na online ads ng mga produktong gamit sa panlinis, hand sanitizer, at iba pang may kasalukuyang mataas na demand sa mga mamimili.
Ano ang katotohanan?
- Ang paghugas sa iyong mga kamay at regular na disimpeksyon ng mga karaniwang ginagamit sa iyong bahay ay parehong epektibong mga paraan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
- Ang Health Canada ay regular na nag-uupdate ng listahan ng mga aprobadong hand sanitizers at hard-surface disinfectants.
Nangyari ito sa akin. Ano ang maaari kong gawin?
- Tingnan kung ang mga produkto ay aprubado ng Health Canada (Kagawaran sa Kalusugan ng Canada). Ang Health Canada ay regular na nag-a-update ng listahan ng mga aprubadong mga hand sanitizers at mga disimpektante sa patungan.
- Para sa karagdagang kaalaman, basahin ditoang tungkol sa pag-iwas at personal na kalinisan sa panahon ng COVID-19.
Kung ikaw o ang iyong mga mahal sa buhay ay nakaranas ng kahit na anong COVID-19 scam o online na pagbabanta, tawagan ang iyong lokal na pulis at i-report ang insidente online. Maaaring isumbong ang scam sa Canadian Anti-Fraud Centre online o kaya sa pamamagitan ng telepono 1-888-495-8501 (toll free).
Maging maingat sa mga kilalang scam at pandaraya
Mga Karaniwang Scam sa Canada
Ang Canadian Anti-Fraud Centre ng Pamahalaan ng Canada ay may mga naitala at dokumentadong kaso ng mga scam kung saan ang mga tao ay nagpapanggap bilang kilalang ahensiya ng pamahalaan, organisasyong kawanggawa at pinansyal.
Mag-ingat sa mga taong nagpapanggap bilang:
- Mga kumpanyang nagpapautang at may pinansyal na serbisyo
- Nagpapautang, debt consolidation (pinagsasama ang mga utang) at iba pang mga serbisyong tulong pinansyal
- Mga kompanyang nagbibigay ng serbisyo sa paglilinis at heating
- Serbisyong paglinis ng mga duct o air filters bilang proteksiyon sa COVID-19.
- Mga lokal at panlalawigang kompanya ng hydro/kuryente
- Nagbabantang putulin ang iyong kuryente dahil sa hindi pagbabayad.
- Centres for Disease Control and Prevention (Mga Sentro ng Pagkontrol at Pag-iwas sa Sakit) at World Health Organization (Organisasyon sa Pandaigdigang Kalusugan, WHO)
- Nag-aalok ng mga pekeng listahan ng mga taong naimpeksyon ng COVID-19 sa inyong komunidad.
- Public Health Agency of Canada (Ahensya sa Pampublikong Kalusugan ng Canada)
- Nagbibigay ng maling resulta na positibo ka sa COVID-19.
- Nililinlang ka sa pagkumpirma ng numero ng iyong health card at credit card para sa isang reseta.
- Red Cross at iba pang kilalang organisasyong kawanggawa
- Nag-aalok ng mga libreng produktong medikal (halimbawa: mask) kapalit ng iyong donasyon.
- Mga kagawaran ng pamahalaan
- Nagpapadala ng mga email na may temang coronavirus para makuha ang inyong impormasyon (phishing).
- Susubukan kang linlangin na buksan ang isang kaduda-dudang email attachment.
- Lilinlangin kang magbigay ng sensitibong personal at pinansyal na impormasyon.
- Mga Pinansyal na Tagapayo
- Pipilitin ang mga tao na bumili ng “patok” na bagong stocks kaugnay sa COVID-19. Nag-aalok ng tulong na pampinansyal at/o pautang
- Mga nagtitinda ng door-to-door
- Nagbebenta ng serbisyo para sa decontamination (pagpuksa ng mikrobyo) ng mga bahay.
- Mga pribadong kompanya
- Nag-aalok ng mabilis na COVID-19 test
- Tanging mga doktor at ibang propesyonal na pangkalusugan lamang ang maaaring magsagawa ng mga test.
- Walang ibang test na tunay o may garantiyang magbibigay ng wastong resulta.
- Pagbebenta ng pekeng produkto na sinasabing kayang gamutin o iwasan ang sakit
- Nagbabanta ang mga di-aprubadong mga gamot sa pampublikong kalusugan at lumalabag ito sa mga pampederal na batas.
-Isinalin mula sa Canadian Anti-Fraud Centre. Hinalaw noong Mayo 19, 2020).
Tandaan na ito ay hindi kumpletong listahan ng mga scam na kasalukuyang nakakaapekto sa mga miyembro ng ating komunidad sa panahon ng COVID-19. Para sa pinakabagong impormasyon tungkol sa mga potensyal na pinansyal na panloloko, sumangguni sa Financial Consumer Agency of Canada website.
Saan ako makakakuha ng pinakabago at mapagkakatiwalaang impormasyon?
Ang aming page, Mga Resource at Update Mula sa Pamahalaan, ay may listahan ng mga mapagkakatiwalaang source para sa pinakabagong impormasyon tungkol sa mga balitang kaugnay sa COVID-19 tulad ng kalusugan, tulong na pampinansyal, at mga isinalin na balita. Kapag nakatanggap ka ng kahinahinalang tawag, email, text, o alok; at naghihinala ka na ito ay scam, sumangguni sa aming page sa Mga Resource at Update Mula sa Pamahalaan para kumpirmahin ito.
Higit pang impormasyon
Karagdagang kaalaman
Nasa Ingles ang mga link maliban kung may nakasaad na iba.
- Ang Canadian Anti-Fraud Centre ay may bukod-tanging seksyon na nakatuon sa mga panlolokong pinansyal na kaugnay sa COVID-19, at mga alerto ng pinakabagong balita.
- Ang Financial Consumer Agency of Canada COVID-19 ay ang may pinakabagong impormasyon at update sa pagtugon ng gobyerno sa pinansyal na paghihirap at suporta sa pinansyal na paglilinlang sa panahon ng COVID-19.
- Ang [Canadian Bankers Association] (https://cba.ca/covid-19-email-scam) ay may patnubay kung paano malaman agad ang mga phishing scam sa panahon ng COVID-19.
- Kung ikaw, o may kakilala kang, nakaranas ng COVID-19 scam, magsumbong sa Canadian Anti-Fraud Centre online o telepono sa 1-888-495-8501 (toll free).
Mga sanggunian
Ang mga pages ayon sa pagkasunod-sunod. Ang lahat ng mga link ay nasa Ingles maliban kung may ibang nakasaad.
- Canadian Anti-Fraud Centre: COVID-19 fraud. Hinalaw noong Mayo 19, 2020.
- Canadian Bankers Association: How to spot phishing scams arising from COVID‑19. Inilathala noong Martsa 27, 2020. Hinalaw noong Mayo 19, 2020.
- Pamahalaan ng British Columbia : COVID-19: Frequently Asked Questions related to Provincial Orders. (Hinalaw noong Mayo 27, 2020).
- Pamahalaan ng Canada: COVID-19: Scams, frauds and misleading claims. Hinalaw noong Mayo 19, 2020.
- Health Canada
- Hard-surface disinfectants and hand sanitizers (COVID-19): List of hard-surface disinfectants. Hinalaw noong Mayo 27, 2020.
- Hard-surface disinfectants and hand sanitizers (COVID-19): List of hand sanitizers authorized by Health Canada. Hinalaw noong Mayo 27, 2020.